IBINASURA ng Department of Justice ang tatlong tax evasion complaints laban sa mag-asawang contractor na sina Sarah at Curlee Discaya kaugnay ng pagbili ng mga mamamahaling sasakyan.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, sa resolusyon ng piskalya, napatunayan na hindi ang mag-asawang Discaya ang nag-import ng mga luxury vehicle kaya hindi sila ang dapat habulin sa hindi nabayarang excise tax.
Ipinaliwanag ni Martinez na ang dapat managot sa sa pagbabayad ng excise tax ay ang nag-import ng sasakyan o kung kanino mismo binili ang sasakyan.
Sangkot sa nasabing reklamo ang luxury vehicles nina Discaya kabilang ang Land Rover at ang Cadillac Escalade para sa isa sa mga kaso; isang Land Rover at isang Mercedes-Benz para sa ikalawang kaso at ang Mercedes-Benz para sa ikatlong kaso.
Bagaman nabasura ang tatlong kaso, sinabi ni Martinez na isasampa naman ng DOJ sa Court of Tax Appeals ang iba pang kaso laban sa mag-asawa na may kaugnayan sa hindi nila pagbabayad ng income tax.
Ito ay makaraang mapatunayan ng piskalya na hindi totoo ang inilahad ng mga Discaya sa kanilang income tax returns para sa taong 2020 at 2021.




