Dalawang bus ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nahuling iligal na dumaan, sa EDSA Bus Carousel Lane.
Sa operasyon ng Department of Transportation (DOTR) Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), hinarang ng mga operatiba ang dalawang shuttles sa EDSA Main Avenue.
Mayroon umanong ipinakitang MMDA memo ang mga driver ng bus na may petsang Feb. 20 sa mga DOTR Enforcer, na nagsasabing pinapayagang dumaan sa EDSA Busway ang MMDA Shuttle Buses na ginagamit sa transportasyon ng kanilang mga empleyado.
Gayunman, binigyang diin ng isang opisyal ng SAICT na tumangging magpabanggit ng pangalan, na hindi kinikilala ang “in-house memo” sa paggamit ng EDSA Bus Carousel Lane.
Bukod sa dalawang MMDA Shuttles, hinarang din ng DOTR-SAICT operatives ang iba pang marked emergency vehicles, gaya sa Bureau Of Fire Protecton at PNP bunsod ng iligal na pagdaan sa EDSA Busway.