MANILA – Pangulong Ferdinand Marcos Jr. binigyang-diin na hindi lamang sa bilis ng internet nasusukat ang progreso kung hindi sa kung gaano karaming buhay ng mga Pilipino ang napapanuti ng konektibidad.
Ayon sa kanya, dapat magbunga ang digital access ng tunay na oportunidad para sa mga estudyante, manggagawa, pamilya, at komunidad sa buong bansa.
Sa kanyang talumpati sa nagdaang Telco Summit 2026, sinabi ng Pangulo na bagama’t bumuti ang bilis ng broadband at mobile internet nitong mga nakaraang taon, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung nakakadalo ang mga estudyante sa malalayong lugar ng online classes, kung nakaka-access ang mga pamilya sa health at financial services sa digital na paraan, at kung mas madaling nakakakonekta ang mga mamamayan sa impormasyon at mga programang pang-gobyerno na nakatutulong sa kanilang buhay.
“In today’s age, connectivity is a right, a necessity, and a lifeline,” sabi ni Marcos habang idinidiin ang misyon ng administrasyon na makapagbigay ng oportunidad na kumonekta, matuto, mag-trabaho, at sumulong kahit nasaan man silang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, ang sektor ng telekomunikasyon sa bansa na ngayon ay may halagang mahigit US$6 bilyon ay sumasalamin sa tuloy-tuloy na pamumuhunan at mga progresibong reporma na nakabatay sa paniniwalang ang digital access ay maaaring magtulak ng pambansang kaunlaran.
Binanggit niya na ang mahahalagang pag-unlad, kabilang ang rollout ng 5G networks, pinalawak na fiber optic deployment, mas pinahusay na mobile broadband services, at pag-usbong ng digital platforms.
Pagsapit ng ikatlong quarter ng 2025, inaasahang makapaglalatag ang mga telecommunications provider ng mahigit 1.8 milyong kilometro ng kable sa buong bansa na magkokonekta sa milyon-milyong kabahayan.
Gayunpaman, kinilala niya ang malalaking hamon para sa bansa.
Habang tinatamasa ng mga urban center ang mabilis at maaasahang serbisyo, marami pa ring rural at malalayong lugar, mga pamayanang baybayin, bulubundukin, at maliliit na isla ang nakararanas ng hindi matatag na signal at limitadong broadband access.
Dagdag pa niya, ang mga pagkaantala sa permits, mga restriksyon sa right-of-way, fiber cuts, at power interruptions ay lalo pang nagpapalawak ng agwat sa konektibidad.
Naaapektuhan nito ang access sa edukasyon, nalilimitahan ang mga oportunidad sa ekonomiya, at bumabagal ang pambansang pag-unlad.
Nanawagan si Marcos ng mas matibay na pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga lokal na komunidad habang iginigiit na walang iisang sektor ang makatutugon sa mga isyung ito nang mag-isa.
Sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT), isinusulong ng administrasyon ang mga reporma upang mapabilis ang rollout ng infrastructure, mapababa ang gastos sa internet, at mapalawak ang coverage sa buong bansa.
Isa sa mga pangunahing reporma ang Konektadong Pinoy Act na nag-alis ng requirement para sa congressional franchise sa pagtatayo, paglalagay, o pagpapatakbo ng data transmission networks.
Inaatasan din ng batas ang infrastructure sharing at co-location sa pagitan ng mga provider upang maiwasan ang pagdodoble ng pasilidad, mapababa ang gastos, at masulit ang pampublikong resources.
Ibinahagi rin ng Pangulo ang pagkumpleto ng Phases 1, 2, at 3 ng National Broadband Fiber Backbone Project.
Sa Phase 1, nakakonekta ang 360 ahensya ng gobyerno at nakinabang ang mahigit 10 milyong mamamayang may transaksyon sa pamahalaan.
Sa mga sumunod na yugto, lumawak ang koneksyon sa humigit-kumulang 690 ahensya, na nagseserbisyo sa halos 17 milyong miyembro ng publiko.
Sa ilalim ng Free Public Internet Access Program, mahigit 9,500 aktibong libreng Wi-Fi access points ang naitatag sa 5,057 pampublikong lugar sa buong bansa, na naglalapit ng konektibidad sa mga komunidad.
Upang maisulong ang mas inklusibong access, inilunsad ng pamahalaan ang Bayanihan SIM Card Project na namahagi ng mahigit 89,400 subsidized SIM cards na may buwanang data allocation para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan, mga guro, at mga komunidad na kapos sa kita.
Hinikayat ni Marcos ang patuloy na pakikipagtulungan ng lahat ng stakeholder sa pagtatayo ng isang “Bagong Pilipinas” kung saan ang mabilis, maaasahan, at inklusibong konektibidad ang magsisilbing pundasyon ng paglago, oportunidad, at pambansang pagkakaisa.




