TATLONG jeepney drivers sa Pangasinan ang umano’y namatay sa heat stroke bunsod ng nakapapasong init ng panahon.
Sinabi ng One Pangasinan Transport Federation (OPTF) na iniimbestigahan na nila kung konektado sa mataas na heat index na nararanasan sa bansa ang dahilan ng pagkamatay ng dalawang tsuper na mula sa Calasiao, at isa pa na mula naman sa Eastern Pangasinan.
Inihayag ni OPTF President Bernard Tuliao na palagi niyang pinaaalalahanan ang kanyang mga kasamahan na kapag matindi ang init ng panahon ay magpahinga muna at huwag nang ipilit na pumasada upang makaiwas sa peligro.
Pinayuhan din ni Dagupan Health Officer Ophelia Rivera ang mga nagta-trabaho sa labas, gaya ng traffic aids, pulis, delivery men, jeepney at tricycle drivers na palagiang uminom at magbaon ng tubig.