MAGPUPULONG ngayong Lunes ang Inter-Agency Committee on Foreign Students (IACFS) upang talakayin ang lumobong bilang ng Chinese nationals na nag-aaral sa Pilipinas.
Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na humiling siya ng HIGH-level meeting sa IACFS, na pinamumunuan ng Commission on Higher Education (CHED).
Ito ay makaraang manawagan ang Senado at Kamara ng imbestigasyon hinggil sa pagdagsa ng Chinese students sa Tuguegarao City sa Cagayan.
Inihayag ni Tansingco na nais nilang linawin sa pulong ang papel ng bawat ahensya sa pagbibigay ng permiso sa mga dayuhan na mag-aral sa Pilipinas.
Ang iba pang mga miyembro ng Inter-Agency Committee ay ang National Bureau of Investigation, National Intelligence Coordinating Agency, Department of Foreign Affairs, at Department of Education.
Sa record ng ahensya, nabatid na 1,516 student visas ang ipinagkaloob sa Chinese nationals sa Cagayan, na lahat ay inendorso ng isa sa mga pangunahing unibersidad sa Pilipinas.