Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na siya ang nagpasimuno ng “oplan tokhang” sa Davao City nang manungkulan siya bilang alkalde, gaya ng ibinibintang ng dating pulis na si Artur Lascañas.
Sa video message, sinabi ng bise presidente na kinakaladkad ang kanyang pangalan sa isyu para mapabilang siya sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa extra judicial killings na iniuugnay sa kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ni VP Sara na bago ang script na ito, dahil sa mga taon na nagsilbi siya bilang Vice Mayor at Mayor ng Davao City, ay hindi naugnay ang kanyang pangalan sa naturang isyu.
Aniya, maliban sa tiyempo, malinaw na sadyang pinilit lang na maidugtong ang kanyang pangalan sa isyu para maging akusado sa ICC.
Hinamon naman ni Inday Sara ang mga nag-aakusa sa kanya sa mga kaso ng pagpatay sa drug war, na sampahan siya ng murder case sa Pilipinas.