TAOS pusong nagpasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamahalaan ng Amerika dahil sa 1.25 million dollars na tulong para sa mga biktima ng pagbaha sa Mindanao.
Ipinaabot ng pangulo ang pasasalamat nang mag-courtesy call sa Palasyo ng Malakanyang si US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson.
Ibinalita ni Carlson kay Pangulong Marcos na naghatid ng tulong sa Mindanao ang dalawang C-130 mula sa Indo-Pacific Command.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang gobyerno ng Amerika.
Tinukoy nito ang kahalagahan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites para sa disaster relief and response.
Matatandaang bumiyahe sa Mindanao si Pangulong Marcos para mag-abot ng 265 milyong pisong halaga ng financial assistance sa mga biktima ng baha dulot ng shear line at low-pressure area.