Itataas ng gobyerno sa 210,000 pesos mula sa 180,000 pesos ang subsidiya ng transport operators na bibili ng modern jeepney.
Ayon kay Department of Transportation Secretary Jaime Bautista, inihirit niya sa mga mambabatas na maglaan ng karagdagang pondo sa 2024 national budget para sa Public Utility Vehicle Modernization Program upang mas dumami ang mga operator na tumangkilik sa programa.
Inamin naman ng kalihim na ang nasabing subsidiya ay maliit kumpara sa kasalukuyang presyo ng modernized vehicles, subalit ito aniya ay makatutulong para makakuha ang mga jeepney operator ng financing loans mula sa mga bangko.
Samantala, para sa modernisasyon ng UV express, umapela sa gobyerno si Zaldy Ping-ay ng Stop and Go Coalition na payagan silang bumili ng mga bagong van, gaya ng Toyota Grandia at HiAce o Nissan Urvan sa halip na China-made vans o mini buses.