IPINAG-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na imbestigahan ang strip search na isinagawa sa mga asawa ng Persons Deprived of Liberty (PLDS) nang bumisita ang mga ito sa New Bilibid Prison (NBP).
Ito’y matapos maghain ng reklamo ang dalawang ginang sa Commission on Human Rights (CHR) matapos silang paghubarin at patuwarin nang ilang ulit sa NBP maximum security compound noong April 21.
Positibo namang tinanggap ni Catapang ang imbestigasyon ng CHR laban sa BUCOR upang ipaliwanag ang kanilang posisyon sa sistema ng pagbisita sa mga inmate.
Sinabi ng BuCor Chief na mahigpit nilang ipinatutupad ang strip search sa lahat ng mga kulungan at penal farms sa bansa, matapos mahuli ang maraming mga bisita na nagpupuslit ng mga kontrabando, na ang iba ay tinatago ang mga iligal na droga sa maseselang bahagi ng kanilang katawan.