INAPRUBAHAN ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagbuo ng ‘Special Investigation Team’ (SIT) upang tutukan at palakasin ang kasong murder laban sa mga suspek sa pagpatay noong 2019 kay Kidapawan City Broadcaster, Eduardo “Ed” Dizon.
Inatasan ni Remulla si Malolos City Prosecutor Aldrin Evangelista na pamunuan ang ‘SIT Dizon’ kasama ang Presidential Task Force On Media Security (PTFOMS).
Si Evangelista ang isa sa mga DOJ prosecutors sa matagumpay na prosekusyon ng mga kaso laban sa mga suspek sa ‘2009 Ampatuan Massacre.’
Pinasalamatan ni PTFOMS Executive Director Usec. Paul M. Gutierrez ang desisyon ni Remulla na siya ring PTFOMS Chairperson batay sa itinatakda ng Administrative Order (AO) No. 1, na siyang lumikha sa task force
Ani Remulla, ang pagbuo ng SIT Dizon ay bahagi ng pangako ng gobyerno na matiyak na mabigyan ng hustisya ang lahat ng biktima ng karahasan at maipatupad ang batas.
Inatasan din ni Remulla ang SIT Dizon at ang PTFOMS na regular na magsumite sa kanyang opisina hinggil sa itinatakbo ng kaso. Ayon pa sa kalihim, may 30 araw ang SIT upang tapusin ang trabaho nito at magsumite ng pormal na ulat at rekomendasyon upan mapalakas pa ang kaso.