NAKASUNGKIT ng gintong medalya sa parallel bars ang Filipino Olympian na si Carlos Yulo sa finals ng 2024 Fig Artistic Gymnastics Apparatus World Cup series sa Doha, Qatar.
Si Yulo, na pasok na sa 2024 Paris Olympics’ gymnastics competition, ay nakapagtala ng score na 15.200 laban kina Hung Yuan-Hsi ng Chinese Taipei na nakakuha ng 14.966 at Caio Souza ng Brazil na may 14.566.
Una nang nanalo ng silver ang Pinoy Gymnast sa men’s vault final matapos makakuha ng score na 15.066.
Si Yulo ay kabilang sa tatlong Filipino gymnasts na nag-qualify sa Paris games, kasama sina Aleah Finnegan at Levi Jung-Ruivivar.