ARESTADO ang isang pinay sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila makaraang mang-scam umano ng isang Swiss Businessman.
Nagpakilala umano ang suspek na nagta-trabaho sa Bureau of Customs at nag-alok ng tulong sa biktima para ayusin ang shipment ng cargo nito na nagkamaling i-deliver sa Pilipinas mula sa Africa.
Ang shipment ay kinabibilangan ng 47 kilos ng gold at 25 pieces ng diamonds na dapat sana ay idi-deliver sa Dubai.
Gayunman, nagkaroon daw ng error sa delivery nang mag-stopover sa Kenya.
Sinabi ng Swiss Businessman na nakatanggap siya ng Email mula sa airline company sa Kenya, at pinapunta siya sa Pilipinas para makipagkita sa isang African na tutulong sa kanya sa nagka-problemang cargo.
Umabot sa 100,000 US dollars o mahigit limang milyong piso ang nagastos ng biktima para ma-release ang kanyang shipment.
Tumanggi naman ang pinay na mag-komento habang pinaghahanap pa ng mga otoridad ang kasabwat nitong african.