Binalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang publiko laban sa paggamit ng vaping products na naglalaman ng marijuana oil.
Binigyang diin ng PDEA na iligal ito at nagdudulot ng panganib sa mga user.
Sa statement, inihayag ng PDEA na nadiskubre sa anti-illegal drugs operations kamakailan na mayroong pagtaas ng marijuana-laced electronic cigarettes sa merkado sa bansa.
Nito lamang March 14, dalawang drug personalities ang inaresto sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Taguig City, matapos makumpiskahan ng cannabis oil at marijuana kush, kabilang ang iba’t ibang vaping devices, na tinatayang nagkakahalaga ng 842,000 pesos.
Nasabat din ng PDEA at Bureau of Customs noong nakaraang linggo ang labing walong balikbayan boxes na naglalaman ng cannabis oil at marijuana kush at itinago sa loob ng e-cigarettes na nagkakahalaga ng 337 million pesos sa port area, sa Maynila.