LUSOT na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill 2534 o ang P100 legislated wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sa botong dalawampung pabor, walang kumontra at wala ring nag-abstain, inaprubahan ng senado ang panukala para magbigay ng dagdag na sahod sa may apat punto dalawang milyong minimum wage earners.
Wala naman sa session hall nang magbotohan sina Senators Lito Lapid, Imee Marcos at mag-inang sina Cynthia at Mark Villar.
Bago ang botohan, nilinaw ni Senador Chiz Escudero na hindi maapektuhan ng panunkala ang Republic Act 6727 o Wage Rationaliation Act of 1989, gayundin ang Republic Act 9178 o ang barangay Micro Business Enterprises Act of 2002.
Nangangahulugan ito na hindi apektado ng panukala ang mga maliliit na kumpanya partikular ang mga sampu lamang ang mga empleyado o ang mga may puhunang tatlong milyong piso pababa.
Sinabi ng sponsor ng SB 2534 na si Senador Jinggoy Estrada na ang naturang panukalang ay tugon sa pangangailangan ng mamamayan at suporta sa mga tinawag niyang lifeblood ng mga kumpanya.