Nagkasa muli ng tigil-pasada ang grupong Manibela, bukas, Jan. 16, para tutulan pa rin ang PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, magsisimula ang kanilang transport strike, bukas ng alas nueve ng umaga.
Ang kanilang kilos-protesta aniya ay sasalihan ng iba pang grupo mula sa iba’t ibang panig ng bansa, at magma-martsa sila mula Diliman, Quezon City hanggang sa Mendiola sa Maynila.
Sa pagtaya ni Valbuena, hindi aniya bababa sa labinlimang libo katao ang magma-martsa patungong Mendiola.
Muli ring kinondena ng Manibela president ang modernization program sa pagsasabing magreresulta ito sa kawalan ng hanap-buhay na makaaapekto sa libo-libong transport workers sa National Capital Region pa lamang.