NAKABALIK na sa Pilipinas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa pagdalo sa Trilateral Summit, kasama ang mga lider ng US at Japan sa Washington DC.
Dumating ang Pangulo at kanyang delegasyon, dakong alas tres ng madaling araw, kahapon.
Sinabi ni Pangulong Marcos na sa kanilang pulong nina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida, pinagtibay ng tatlong bansa ang commitment para sa mapayapa, ligtas, at maunlad na Indo-Pacific.
Nangako rin aniya ang US at Japan ng suporta para sa infrastructure development at connectivity sa Pilipinas sa pamamagitan ng partnership para sa global infrastructure and investment, at implementasyon ng open radio access network.
Kasama rin sa susuportahan ng dalawang bansa ang workforce development para sa semiconductor industry, capacity building sa mapayapang paggamit ng nuclear energy, at membership ng bansa sa minerals security partnership forum.
Sinamantala rin ni Pangulong Marcos ang oportunidad upang i-update sina President Biden at Prime Minister Kishida hinggil sa mga pinakahuling kaganapan sa South China sea, kabilang na ang mga insidente sa Ayungin Shoal.
Nilinaw naman ng punong ehekutibo na hindi maaapektuhan ng Trilateral Summit ang mga investment mula sa China.