IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na suspindihin muna ang panghuhuli sa mga e-bikes, e-trikes, tricycles, pedicabs, at iba pang mga kahalintulad na sasakyan na dumadaan sa ilang mga tinukoy na kalsada sa Metro Manila.
Sinabi ng pangulo na inatasan niya ang MMDA, pati na ang lahat ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila na bigyan ng palugit ang mga e-bike, e-trikes at iba pang apektadong mga sasakyan.
Nilinaw naman ni Marcos na bawal pa rin ang mga naturang sasakyan sa ilang piling major roads sa ilalim ng MMDA Regulation No. 24-022 Series of 2024.
Inihayag ng pangulo na sakop ng grace period ang hindi pag-ticket, pagmumulta, at pag-impound ng mga nabanggit na sasakyan.
Aniya, kailangan munang ipabatid sa publiko ang tungkol sa ban bago ito tuluyang ipatupad.