IKINABAHALA ng isang security analyst ang napaulat na pagdagsa ng mga estudyanteng Chinese sa lalawigan ng Cagayan, bunsod ng posibleng National Security Threat.
Sinabi ni Chester Cabalza, Founding President ng International Development and Security Cooperation (IDSC), na bagaman palaging welcome ang mga dayuhang estudyante sa Cagayan, ngayon lang nangyari ang biglang pagdami ng Chinese students sa lalawigan.
Una nang naghain ng resolusyon sa kamara si Cagayan 3rd District Rep. Jojo Lara para imbestigahan ang isyu na inilarawan niya bilang “Highly Suspicious and Alarming.”
Sa Cagayan matatagpuan ang Naval Base Camilo Osias at Lal-O Airport na tinukoy bilang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) Sites kung ang US Military ay maaring mag-deploy at mag-preposition ng personnel, supplies, at materials.
Inihayag din ni Cabalza na mayroon siyang natanggap na report na dumagsa rin ang chinese students sa Subic, Zambales, na nakaharap sa West Philippine Sea.