MAKATATANGGAP ang mga naulilang pamilya ng funeral assistance na nagkakahalaga ng tatlunlibong piso mula sa Manila City Government.
Ayon sa Manila Public Information Office, ang Funeral Aid Program na tinawag na “Unang Abuloy ng Maynila” ay epektibo na kahapon, Jan. 22, matapos lagdaan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang ordinansa sa pagpapatupad nito.
Alinsunod sa ordinansa, pagkakalooban ng death benefit assistance ang mga naulilang pamilya ng lehitimong residente o rehistradong botante ng Maynila.
Para naman sa mga pumanaw na menor de edad, sinabi ng Manila PIO na ang kanilang mga magulang ay dapat residente ng Maynila para makuha ang funeral aid.