Maaapektuhan ng trough ng Low Pressure Area (LPA) ang ilang lalawigan sa Mindanao Region at Southern Leyte.
Nagbabala ang Pagasa laban sa posibleng flash floods o landslides bunsod ng katamtaman hanggang sa kung minsa’y malalakas na pag-ulan sa Davao Region, Caraga, Bukidnon, Misamis Oriental, Camiguin, at Southern Leyte.
Ang natitirang bahagi ng Mindanao ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulo-pulong pag-ulan o pagkulog at pagkidlat bunsod ng trough ng LPA at localized thunderstorms.
Mararanasan naman sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, Quezon, Bicol Region, at natitirang bahagi ng Eastern Visayas ang maulap na kalangitan na may pag-ambon dulot ng Northeast Monsoon o Amihan.
Magdadala rin ang amihan ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin sa Metro Manila, at sa nalalabing bahagi ng Luzon, at Visayas.