Tinatayang aabot sa dalawang milyon ang dadagsa sa mga pantalan kaugnay ng nalalapit na Semana Santa.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), mas mataas ito kumpara sa isa punto walong milyon na naitala noong nakaraang taon.
Sinabi ni PPA Spokesperson Eunice Samonte na inaasahan ang pinakamalaking pagdagsa pagsapit ng Lunes Santo at Huwebes Santo.
Idinagdag ni Samonte na limang pantalan ang inaasahang dadagsain ng mga biyahero, na kinabibilangan ng Panay Guimaras Port; Batangas Port; Jordan Guimaras Port; Mindoro Calapan Port; at Dumangas Port.
Samantala, isa punto pitong milyong pasahero naman ang inaasahang dadagsa sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Semana Santa.
Ayon kay PITX Corporate Affairs Head Jason Salvador, inaasahang magsisimulang dumami ang mga pasahero sa terminal sa Biyernes, March 22 hanggang sa bumalik ang mga ito sa Easter Sunday o linggo ng pagkabuhay, March 31.
Ang naturang bilang ay mas malaki sa 1.2 million na naitalang mga pasahero ng PITX noong nakaraang Semana Santa. Bilang bahagi ng paghahanda sa sampung araw na pagdagsa ng mga pasahero, tiniyak ng PITX na mayroon silang sapat na bilang ng bus units na magsisilbi sa mga commuter.