Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga lalawigang apektado ng El Niño o matinding tagtuyot, sa harap ng papasok na tag-init.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni Task Force El Niño Spokesperson at Presidential Communications Office (PCO) Assistant Sec. Joey Villarama na sa kasalukuyan ay animnapu’t pitong probinsya na ang nakararanas ng iba’t ibang lebel ng El Niño, kabilang ang dry spell, dry conditions, at drought.
Aniya, inaasahang tataas pa ang bilang sa pitumpu’t anim sa susunod na tatlong buwan.
Ang mga ito ay nasa walong rehiyon, habang inaasahang tataas na rin sa pito ang bilang ng mga bayang nasa state of calamity, kabilang ang Pio Duran sa Albay.
Sinabi ni Villarama na bagaman humina na ang El Niño ay hindi pa rin dapat maging kampante at kailangan pa ring maging handa at alerto.