MAGLALABAS ang gobyerno ng 303.5 Million Pesos para sa pagtatayo ng karagdagang silid-aralan sa buong bansa inaprubahan ng Department of Budget and Management ang joint request ng Department of Public Works and Highways at Department of Education para sa pagtatayo ng isandaan at dalawampung classrooms sa dalawampu’t isang sites sa bansa.
Kaugnay dito, umabot na sa 15.7 billion pesos ang total authorized appropriation sa special provisions ng DepEd, na isinasakatuparan ng DPWH, kabilang ang pagkukumpuni o pagtatayo ng bagong kindergarten, elementary, at secondary school buildings at technical vocational laboratories.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ibinilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking ang mga estudyante at mga guro ay maayos na makakapag-aral at makakapagturo, at dapat pantay-pantay din at walang pinipiling lugar ang pagtatayo ng education facilities.
Iginiit pa ni Pangandaman na ang edukasyon ang nagbibigay ng tyansa sa bawat Pilipino na iangat ang kalidad ng kanilang buhay, kaya’t ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pag-iinvest sa nasabing sektor.