Pinag-iingat ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang publiko laban sa tinatawag na “love scam” na talamak ngayon sa online dahil sa nalalapit na Valentine’s Day.
Ayon kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., target ng mga grupong nasa likod ng scam ang mga sawi sa pag-ibig o iyong mga kagagaling lamang sa break up.
Minamanmanan aniya ng mga suspek ang profile sa social media ng kanilang target na biktima at kapag nakitang ito ay malungkot o nag-iisa, ay doon na sisimulan ang modus.
Isang uri ng love scam ang pagpapanggap ng mga suspek bilang foreign national, bobolahin ang target na biktima sa pamamagitan ng chat, pagkatapos ay kunwaring padadalhan ito ng package pero may kailangan munang bayaran sa customs para makuha ang package.
Paalala ng DILG at PNP sa publiko wag basta-basta magpapaloko sa ganitong mga modus.
Mas mainam na kilalanin munang mabuti ang ka-chat at huwag ding agad agad na magpapadala ng pera sa taong ni hindi pa nga nakikilala ng personal.