GINUNITA ng iba’t ibang grupo ang ika-tatlumpu’t walong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa People Power Monument, ilang metro lamang ang layo mula sa kampo militar kung saan minsang nagtipon-tipon ang mga pilipino upang ipanawagan ang pagbabalik ng demokasya sa Pilipinas.
Kahapon ay dumalo ang mga miyembro ng pamilya, mga kaibigan, at supporters ng democracy icons at martial law victims, sa aktibidad na inorganisa ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Tiniyak ni Ian Alfonso, Supervising Researcher Ng Research, Publication and Heraldry Division ng NHCP, na taon-taon nilang gugunitain ang EDSA People Power Revolution hangga’t mayroon silang mandato.
Sinabi ni Alfonso na hangga’t maari ay nais nilang manatili sa mga pinoy ang alaala ng EDSA at naging pakinabang ng bayan pagkatapos ng mapayapang rebolusyon noong 1986.
Hindi isinama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ang EDSA People Power Anniversary sa listahan ng mga holiday ngayong taon.