KABUUANG siyamnaraan walumpu’t apat na driver’s license ang kinansela ng Land Transportation Office (LTO) noong nakaraang taon dahil sa iba’t ibang paglabag, na karamihan ay dahil sa pagmamaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, kabilang sa mga tinanggalan ng lisensya ay mga pasaway na motorista na lumabas sa mga video at nag-viral sa social media matapos i-report ng concerned individuals sa LTO o na-monitor mismo ng ahensya.
Tiniyak naman ni Mendoza na lahat ng mga binawian ng lisensya ay dumaan sa due process.
Idinagdag ng LTO Chief na ang naturang hakbang ay bahagi ng kanilang agresibong kampanya para maitanim sa utak ng mga driver ang disiplina at responsableng pagmamaneho.