SUSPENDIDO ang face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan simula ngayong araw hanggang bukas, April 29 at 30, at ipatutupad muna ang distance learning, bunsod ng napakainit na panahon at nakakasang transport strike.
Sa abiso ng Department of Education, nakasaad na hindi obligado ang mga teaching at non-teaching personnel sa lahat ng public schools na mag-report sa kani-kanilang stations sa mga naturang petsa.
Ginawa ng DepEd ang anunsyo sa harap ng pagtaya ng pagasa na mahigit tatlumpung lugar sa bansa ang posibleng makaranas ng dangerous level ng heat index na mula 42 hanggang 51 degrees celsius ngayong Lunes.
Isa rin sa dahilan ng suspensyon ng in-person classes ay ang tatlong araw na nationwide strike ng grupong Piston simula ngayong April 29 hanggang May 1 bilang protesta sa PUV Modernization Program at sa nalalapit na April 30 deadline sa consolidation ng mga prangkisa ng mga jeepney.