Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na suriin ang authenticity ng mga paputok at pailaw na kanilang gagamitin sa pagsalubong sa bagong taon.
Ginawa ng DTI ang babala makaraang mahigit isanlibo limandaang iligal na produkto ang nakumpiska sa Bulacan noong nakaraang linggo.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, tingnan muna ng consumer na nagpa-planong bumili ng fireworks at firecrackers kung mayroong lisensya mula sa PNP ang tindahan at kung ang mga produkto ay mayroong Philippine Standard mark.
Kung mayroon PS mark, i-check din ng customer kung ang produkto na kanilang bibilhin ay kabilang sa listahan ng legal fireworks ang firecrackers na naka-post sa website ng DTI.
Anumang uri ng paputok o pailaw, ligal man o iligal, ay maaring magdulot ng pinsala, gaya ng pagkaputol ng daliri, ayon sa Department of Health.
Sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na sakaling magsindi ang isang indibidwal ng ligal na paputok at naaksidente, ang pinsala nito ay kapareho rin ng sa iligal na paputok.
Sa pinakahuling tala ng ahensya, hanggang kahapon, umabot na sa pitumpu’t lima ang bilang ng fireworks-related injuries, habang anim ang kinailangang putulan ng bahaging napinsala.
Hindi man gusto pero inaasahan ng DOH na madaragdagan pa ang bilang ng mga nasusugatan dahil sa paputok habang papalapit ang pagsalubong sa bagong taon.