Bumuo ang Department of Justice (DOJ) ng lupon na binubuo ng mga batikang prosecutor upang pag-aralan ang karagdagang mga asunto at ebidensya na maaring magpalakas sa kaso sa kontrobersyal na 2022 Manila drug raid.
Kasunod ito ng case conference ng National Prosecution Service ng DOJ at PNP noong Dec. 15, hinggil sa operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska sa 990 kilograms ng shabu noong Oktubre ng nakaraang taon.
Ayon sa ahensya, sumentro ang talakayan sa karagdagang mga reklamo na lumutang kasunod ng imbestigasyon sa posibleng mga anomalya at iregularidad na kinasangkutan ng ilang indibidwal sa naturang operasyon.
Idinagdag ng DOJ na kasalukuyang isinasailalim ng special panel sa masusing pagsusuri ang marami pang mga ebidensya na nakalap ng mga otoridad.