HINIMOK ng Department of Health (DOH) ang mga paaralan na unahin ang kapakanan ng mga estudyante at timbangin kung kaya nilang dumalo sa face-to-face classes tuwing mainit ang panahon.
Suportado ni Health Undersecretary Eric Tayag ang hakbang ng ilang paaralan at lokal na pamahalaan na suspindihin ang in-person classes at pansamantalang magpatupad ng alternative delivery modes bunsod ng matinding init.
Pinayuhan ni Tayag ang mga eskwelahan na buksan ang kanilang mga bintana para sa bentilasyon at himukin ang mga mag-aaral na uminom ng maraming tubig upang hindi sila ma-dehydrate.
Una nang inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na pinapayagan ang mga guro at mag-aaral na magsuot ng mas komportableng damit, bukod sa kanilang regular uniform, kung naiinitan sila sa classroom.