LUMAGPAS sa kanyang kapangyarihan si dating Pangulong Rodrigo Duterte at isinuko nito ang karapatan ng bansa, kung pumasok nga ito sa “gentleman’s agreement” sa China na huwag i-maintain ang BRP Sierra Madre na nagsisilbing Philippine marine outpost sa Ayungin Shoal.
Pahayag ito ni Retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, kasabay ng pagsasabing alam naman ni Duterte na kapag hindi ni-repair ang nakasadsad na barko ay babagsak ito kinalaunan at magwawalan ng presensya ang Pilipinas sa Ayungin.
Idinagdag ni Carpio na sa kabila nito ay pumayag pa rin ang dating pangulo sa gusto ng China, na ang maari lamang dalhin ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre ay pagkain at tubig, at hindi puwede ang mga materyales sa pagkukumpuni ng barko.
Ipinaliwanag ng retiradong mahistrado na pumasok si Duterte sa kasunduan na mas pabor sa China, sa kabila ng July 12, 2016 ruling ng arbitral tribunal na ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.