Pansamantalang pamumunuan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang National Food Authority (NFA), makaraang suspindihin ang isandaan at tatlumpu’t siyam na mga opisyal at empleyado ng ahensya.
Sa statement, sinabi ni Laurel na ang suspension order ng Ombudsman laban sa NFA officials and personnel, kabilang si Administrator Roderico Bioco at Assistant Administrator for Operations John Robert Hermano, ay epektibo, kahapon, March 4.
Inihayag ni Laurel na nakipag-ugnayan siya sa office of the Ombudsman simula nang pumutok ang kontrobersiya at lumikha rin siya ng special panel of internal investigators upang matukoy ang pagkakamali at upang hindi na ito maulit.
Bumuo ang kalihim ng lupon upang imbestigahan ang alegasyon na ilang opisyal ng NFA ang pumayag na ibenta ang mga bigas na nasa warehouse ng ahensya sa halagang bente singko pesos kada kilo nang walang bidding, sa kabila ng bente tres pesos kada kilo ang bili nila sa palay.