PINAG-iingat ni COMELEC Chairman George Garcia ang mga aspirante sa 2025 National at Local Elections laban sa mga sindikato na manghihingi ng pera kapalit ng “Easy Wins” sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Garcia, mayroon silang na-monitor sa ilang lugar sa Luzon at Mindanao kung saan ilang indibidwal ang nagsasabing may kakilala umano sa Information And Technology Department ng COMELEC, at humihingi ng hanggang 100 million pesos para sa naturang scheme.
Aniya, kaya raw panalunin ng sindikato ang kandidato sa loob lamang ng ilang minuto, kahit hindi na umikot at mangampanya.
Inihayag ng Poll Chief na makikipag-ugnayan sila sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng naturang isyu.
Tiniyak din ni Garcia na tutulong ang COMELEC sa legal proceedings laban sa mga sindikato, sa sandaling may maarestong miyembro.