IPINAGTAKA ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. ang reklamong isinampa ng mga asawa ng inmates at political prisoners laban sa Strip Search o pagpapahubad na kanilang naranasan sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Catapang, labing apat na beses nang pumirma ng waiver ang complainant na si Gloria Almonte, na ang ibig sabihin ay handa itong sumailalim sa pisikal na inspeksyon.
Aniya, ang isa pang complainant na si Maricel ay labing-isang beses namang pumirma ng waiver.
Palaisipan kay Catapang kung bakit ngayon lang nagreklamo ang mga misis, gayung ilang beses na silang nagpabalik-balik sa Bilibid, kabilang ang pitong conjugal visits.
Muli ring inihayag ng BuCor Chief na tatlumpung bisita ang nahuling nagpupuslit ng mga kontrabando sa NBP, gaya ng iligal na droga, kaya mahigpit sila sa inspeksyon.