Umakyat na sa labing anim ang bilang ng mga nasawi bunsod ng malalakas na ulan na nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakahuling situational report ng NDRRMC, nakasaad na lahat ng labing anim na namatay na isinasailalim pa rin sa beripikasyon, ay mula sa Davao Region.
Tatlo ang nananatiling nawawala habang labing isa naman ang nasugatan dulot ng masamang panahon.
Kabuuang 772,276 individuals o 204,840 families mula sa limandaan at walong barangay sa Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Caraga, at BARMM, ang naapektuhan ng mga pag-ulan na dala ng amihan at trough ng Low Pressure Area na ngayon ay nalusaw na.