KRITIKAL ang dalawang taong gulang na batang babae matapos lapain ng mga aso sa Calbiga, Samar.
Nabatid na sa sobrang bangis ng mga aso na umatake sa biktima ay natanggal ang mga tenga at nawakwak din bahagi ng laman sa puwetan ng bata.
Maging ang mukha ng bata ay hindi na halos makilala dahil sa dami ng mga kagat at sakmal ng apat na mga aso na umatake sa kawawang biktima.
Nangyari ang insidente sa Barangay Timbangan sa bayan ng Calbiga.
Sa kasalukuyan ay naka-confine ang hindi pinangalanang biktima sa Samar Provincial Hospital.
Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, iniwan ng ina ng biktima ang bata sa kanyang lola pasado alas tres hapon ng Sabado ng March 9, 2024.
At dahil sa may binabantayan din na isa pang paslit ang lola ay nakatakas ang bata para habulin ang kanyang nanay. Sa nasabing tiyempo na umatake ang mga aso. Rumesponde naman ang mga Brgy. Tanod nang malaman ang pangyayari.
Nabatid na mga aso ng kapitbahay ng biktima ang sinasabing umakate sa bata.
Pinaoobserbahan ngayon ng mga pulis ang mga aso dahil wala umanong bakuna laban sa rabies ang mga iyon.
Nangako naman ang mga may-ari ng aso na tutulong sa pagpapagamot ng bata.