Maari nang manatili ang mga OFW na dumating at paalis ng bansa sa airport lounge na eksklusibo lamang para sa kanila, kung saan libre ang pagkain, serbisyo, amenities, at bukas bente kwatro oras sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang 24/7 OFW lounge ay joint project sa pagitan ng Kamara at iba pang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers, at Manila International Airport Authority.
Sinabi ni Romualdez na ang lounge ay kapareho ng mga nasa business-class at first-class passengers na pinatatakbo ng mga airlines.
Magtatayo rin aniya ng OFW lounge sa loob ng NAIA Terminal 3.