Nangako ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutugisin at pananagutin ang mga miyembro ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah-Hassan Group na pumaslang sa apat na sundalo sa Datu Hoffer Ampatuan, sa Maguindanao del Sur.
Sa statement, nagpaabot din ng pakikiramay si AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa mga pamilya at mga mahal sa buhay ng apat na sundalo.
Tiniyak ni Brawner sa publiko ang paninindigan ng sandatahang lakas sa pagtupad sa kanilang mandato na protektahan ang mga mamamayan at ang estado.
Alas diyes ng umaga kahapon nang tambangan ng mga bandido ang apat na sundalo habang pabalik sa kanilang patrol base, mula sa pamimili ng mga pagkain para sa “iftar” o hapunan ng mga muslim sa gitna ng Ramadan.