WALANG kuwenta at posibleng mauwi lang sa criminal investigation ang panawagan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bawiin ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pahayag ito ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., kasabay ng paninindigan na mananatiling tapat ang AFP sa konstitusyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos bilang Commander-In-Chief.
Hindi nagbanggit ng pangalan si Teodoro, subalit una nang nanawagan si Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa AFP na iatras nila ang suporta kay Marcos.
Sinabi ni Alvarez na ang joint patrol policy ng Marcos Administration kasama ang mga kaalyadong bansa sa West Philippine Sea ay magpapaigting lamang sa tensyon, kung hindi man digmaan, na naglalagay sa buhay ng mga Pilipino sa panganib.