NASA 30 porsyento ng produktong agrikultura ang nasisira sa bansa kada taon.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ito ay dahil sa mahina ang logistics system ng food supply chain ng Pilipinas.
Ayon kay Laurel, kung maayos lang sana ang logistics system, mababawasan sana ng 10 hanggang 15 porsyento ang presyo ng mga gulay at high value crops gaya ng prutas.
Paglilinaw ni Laurel, ang 30 porsyentong wastage ay base lamang sa kanyang personal na karanasan sa pagnenegosyo at hindi base sa data.
Inilatag din ni Laurel kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang three-year plan na “Para sa Masaganang Bagong Pilipinas” na naglalayong pataasin ang produksyon ng agri-fishery industry.
Nasa P93 bilyong pondo aniya ang kailangan para maipatupad ang programa sa loob ng tatlong taon.
(Chona Yu)