AABOT sa 275 na tauhan ng Bureau of Corrections (BUCOR) ang mawawalan ng trabaho sa weekend matapos mabigong makumpleto ang kanilang eligibility at educational requirements na mandato sa ilalim ng Republic Act 10575 o “Bureau of Corrections Act of 2013.”
Sa ilalim ng nasabing batas inilalatag ang pamantayan sa pagtatalaga ng BUCOR personnel kung saan binibigyan sila ng limang taon mula sa petsa ng pagiging epektibo ng batas na makakuha ng minimum educational qualification at eligibility.
Dahil sa pagkaantala ng promulgasyon ng implementing rules and regulations ng RA 10575, ang kuwalipikasyon ng mga pamantayan para sa uniformed personnel ng BUCOR ay naaprubahan lamang ng Civil Service Commission (CSC) noong Marso 16, 2018.
Ibig sabihin ang limang taon na ibinigay sa BUCOR personnel sa pagtalima sa minimum requirements para sa mga posisyong itinakda ng CSC – Approved Qualification Standards (QS) ay lipas na noong Marso 16, 2023.
Pero dahil sa Covid-19 Pandemic, pinalawig ni Justice Secretary Crispin Remulla ang deadline hanggang sa Marso 16, 2024.
Ayon sa datos ng BUCOR, sa 421 employees na inisyal na nasa listahan para sa attrition, 41 ang nakapaghain na ng early retirement, habang 105 ang nakatugon na sa eligibility and educational requirements.
Bagaman umapela si BUCOR Director General Gregorio Catapang ng panibagong extension, hindi na ito inaprubahan pa ni Remulla.