UMARANGKADA na ang dalawang araw na tigil-pasada ng transport groups na Piston at Manibela, ngayong Lunes bilang pagtutol pa rin sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Sinabi ni Manibela Chairperson Mar Valbuena na itinuloy nila ang kanilang tigil-pasada, sa kabila ng umano’y pananakot ng mga Pulis sa kanilang mga kasamahan.
Aniya, mayroon silang natanggap na report mula sa kanilang mga kasamahan na marami umanong mga Pulis ang pumasyal sa mga terminal, kahapon.
Inihayag ni Valbuena na nagsilbi pa itong hamon para lalong ituloy ng mga tsuper ang kanilang strike.
Sa pagtaya ng Manibela, hindi bababa sa dalawampu’t limanlibo ang lalahok sa tigil-pasada sa National Capital Region at kanya-kanyang diskarte ng panawagan ang gagawin sa mga strike centers.